Sa report ng PNP, kinilala ang mga pulis na sina PCpl. Jomar Puhay, 36 anyos, residente ng Baretbet, Bagabag at PMSgt. Jefferson Bartolome, 43 anyos, residente ng Lamut, Ifugao.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, katatapos lang ang ginawang ‘tour of duty’ ng dalawang pulis sa checkpoint at noo’y nasa kusina ng makarining ng putok ng baril ang mga kasamahan nito.
Agad na nagtungo sa kusina ang ilang pulis para silipin ang narinig na putok ng baril at laking gulat ng mga ito ng tumambad ang nakahandusay na katawan ni PCpl. Puhay habang nakitang palayo na sa pinangyarihan ng insidente si Bartolome.
Mabilis naman na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan si Puhay matapos magtamo ng isang tama ng bala ng baril sa katawan ngunit idineklara itong dead on arrival ng sumuring doktor.
Nadiskubre naman ang katawan ni Bartolome sa isang bakanteng lote na may tama rin ng bala ng baril sa kanyang bibig na pinaniniwalaang nagpatiwakal.
Kaugnay nito, maituturing na sarado na ang kaso subalit patuloy pa rin ang gagawing imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service.