Pulis, kinasuhan matapos mahuling hinihimas ang bangkay ng isang babae

Nahaharap sa kasong felony ang isang pulis na nahuli umanong hinihipo ang dibdib ng patay na babae sa Los Angeles, California.

Maaaring makulong hanggang tatlong taon si David Rojas, 27, kung mahatulan sa salang “sexual contact with human remains without authority,” ayon sa pahayag attorney’s office ng distrito.

Rumesponde si Rojas at isang kasamahang pulis sa sumbong na may isang babaeng namatay sa bahay noong Okt. 20.


Nadiskubre ang paghimas ng suspek sa dibdib ng bangkay nang magsagawa ng random inspection ang mga opisyal sa body camera ng pulis, ayon sa anonymous source ng Associated Press.

Pinatay pa umano ni Rojas ang kanyang camera, ngunit nakuhanan pa rin ang insidente dahil sa dalawang minutong buffering period na nakapagre-record ng nangyayari bago buksan muli.

Nakalabas naman sa kulungan ang pulis matapos magpiyansa ng $20,000 (P1 milyon) noong Huwebes, ayon sa inmate locator website ng Los Angeles County Sheriff’s Department.

Hindi naman malinaw kung may abogado na si Rojas, ngunit nauna nang tumanggi ang union na Los Angeles Police Protective League na depensahan ang suspek.

Facebook Comments