Pulis na nagpakita ng maximum tolerance matapos sampalin ng isang babaeng pinagbawalan sa mall, pinuri ni PNP chief

Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos ang pulis na nagpakita ng maximum tolerance matapos sampalin at tadyakan ng isang babaeng pinagbawalang pumasok sa mall sa Santiago City, Isabela.

Ang pulis na nakunan ng video na kumalat sa social media ay kinilalang si Patrolman John Paul Sudario ng Traffic Enforcement Unit ng Santiago City Police Office.

Ayon kay Carlos, ipinakita ni Patrolman Sudario na siya ay isang tunay na “gentleman” at nanatiling diplomatiko sa kabila ng pananakit at pagsigaw sa kaniya ng babae na kinilala lang ng Santiago City Police sa pangalang alyas “Ellen”.


Aniya pa, bukod sa nakita sa video, patuloy na iniimbestigahan ng PNP ang insidente para makuha ang buong istorya ng insidente.

Ayon sa mall management, pinalabas ang babae sa isang cellphone shop matapos na manggulo ito.

Sumama naman daw ito nang maayos sa mall security at pulis palabas ng mall.

Pero nagwala ulit ito nang pagbawalang pumasok uli sa mall, at dito na pinagsasampal at sinigawan si Patrolman Sudario.

Ayon naman sa pulis, wala na siyang balak na sampahan ng kaso ang suspek dahil bahagi lamang aniya ng kaniyang trabaho ang humarap sa mga tensyonadong sitwasyon.

Facebook Comments