Sinampahan na ng Quezon City Police District (QCPD) ng patong-patong na kaso ang 28 anyos na pulis na si Police Corporal Reymark Rigor.
Si Rigor ay inaakusahan ng isang estudyante na namaril sa kaniya noong February 8, 2021 at nakilala sa pamamagitan ng CCTV camera.
Kasong frustrated murder, paglabag sa R.A. 10591 o Illegal Possession of Firearm and Ammunition in relation to Omnibus Election Code ang isinampang kaso kay PCpl. Rigor.
Si Rigor ay nakatalaga sa Kamuning Police Stion 10 bilang follow-up operative.
Batay sa imbestigasyon, nakainom ng alak ang pulis habang pagewang-gewang na nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo sa bahagi ng Sct. Rallos, hinarang umano nito ang biktima na si Adrianne Castor na noon ay papauwi na sakay ng kaniyang Grab car.
Bigla umanong bumunot ng baril ang pulis at itinutok sa estudyante.
Tinangka ni Castor na iwasan ang pulis subalit iniharang nito ang kaniyang motorsikolo saka siya pinaputukan.
Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib si Castor na agad naisugod sa East Avenue Medical Center.