Nadagdagan pa ang mga pulis na positibo sa COVID-19 na ngayon umaabot na sa 19.
Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brigadier General Bernard Banac batay na rin sa ulat ng PNP health Service.
Sinabi ni Banac, tatlong pulis ang nadagdag na positibo sa virus.
Ito ay ang isang babaeng opisyal na edad 31 anyos at residente ng Laguna, 41 anyos na lalaking pulis na taga-Cavite at isang 45 anyos na babaeng pulis rin na residente ng Batangas.
Umaabot na rin sa 280 na mga PNP personnel ang ikinikonsiderang person under investigation o PUIs habang 1,332 PNP personnel ay person under monitoring (PUMs).
Sa ngayon naman ay 39 na mga PNP personnel ang naka-admit na sa Kiangan Billeting Center na nagsisilbing Patient Care Center sa Camp Crame.
Ang 39 na mga pulis na ito ay kasama sa PUIs na sumasailalim sa quarantine.
Una nang inanunsyo ng PNP na dalawa na sa kanilang tauhan ay namatay na dahil sa COVID-19.