
Tuluyan nang naaresto ang isang mataas na opisyal ng pulisya na itinuturong salarin sa brutal na pagpatay sa kapwa pulis sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City noong nakaraang taon.
Kinilala ni Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) Director PBGen. Bonard Briton ang suspek na si Police Lt. Col. Roderick Tawanna Pascua, na sinilbihan ng warrant of arrest kahapon sa Custodial Facility ng Regional Headquarters Support Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ang warrant ay inilabas ng Branch 271 ng National Capital Judicial Region para sa kasong murder, na walang inirekomendang piyansa.
Batay sa imbestigasyon, noong Nobyembre 28 ng nakaraang taon, pinatay ni Pascua si Police Executive Master Sgt. Emmanuel De Asis matapos umanong maaktuhan ang kanyang misis sa isang “very intimate situation” kasama ang biktima.
Natuklasan ding pinagputol-putol ang katawan ng biktima at ibinaon sa ancestral house ng suspek sa Baguio City.
Sa ngayon, nasa kustodiya na si Pascua ng PNP-IMEG sa Camp Crame habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.









