Punong Barangay at Laborer sa Jones, Isabela, Hinuli!

Jones, Isabela- Inaresto ng mga otoridad ang isang Barangay Captain at isang laborer sa Brgy. Malannit, Jones, Isabela dahil sa kanilang kasong kinakaharap.

Unang nadakip kahapon ng mga kasapi ng PNP Jones si Samuel Facunla Mayor, 56 anyos, may-asawa, Punong Barangay ng Malannit, Jones, Isabela matapos isilbi ang Warrant of Arrest nito na ipinalabas ni hukom Bonifacio T. Ong ng RTC Branch 24 Echague, Isabela dahil sa kasong paglabag sa RA 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Samantala, hinuli naman ng mga otoridad pasado alas dyes kaninang umaga si Joshua Rampas Sonday, 18 anyos, isang laborer at residente rin ng nasabing lugar sa bisa rin ng mandamyento de aresto na ipinalabas ni hukom Bonifacio Ong dahil sa kasong Carnapping.


Makakalaya lamang si Mayor na nasa kustodiya ng PNP Jones kung makakapaglagak ito ng kanyang piyansang walumpung libong piso (P80,000.00) habang tatlong daang libong piso (P300,000.00) naman kay Sonday.

Facebook Comments