Cauayan City, Isabela- Dumepensa ang Cauayan City Planning and Development Office (CPDO) hinggil sa isyu ng umano’y pagbakbak sa mga puntod sa Catholic Cemetery, bagay na inalmahan ng mga kaanak dahil wala umano itong pahintulot sa kanila mula sa nasabing tanggpan.
Ito ay matapos idulog sa iFM Cauayan ng isa sa mga residente ng lungsod dahil sa laking gulat na nabakbak na ang nitso kung saan nakalibing ang kanilang mahal sa buhay gayundin ang iba pa nilang kaanak.
March 17 taong kasalukuyan, bumisita sa naturang sementeryo ang hindi na nagpakilalang residente at tumambad sa kanya ang bitak-bitak ng puntod ng mahal sa buhay at hindi rin alam kung saan ito nailipat dahil sa kawalan ng abiso ng lokal na pamahalaan sa kanilang pamilya.
Sa eksklusibong panayam ng iFM Cauayan kay Henson Gannaban ng CPDO, nakaproseso umano ang hakbang ng LGU at hindi umano sila basta na lamang magbabakbak ng walang pahintulot sa pamilya.
Ayon pa sa kanya, kukuha muna sila ng pahintulot sa City Health Office bago sa kanilang tanggapan at makikipag-ugnayan sila sa pamilya ng namayapang mahal sa buhay.
Sabi pa nya na nasa kasagsagan na sila ng paglilipat sa mga buto ng namayapang mahal sa buhay sa bagong himlayan sa Barangay San Francisco subalit pansamantala nila itong itinigil dahil sa naturang reklamo.
Depensa pa niya, hindi sila ang may gawa ng nangyari sa puntod at posibleng ang ilang kabataan ang nasa likod umano ng nasabing pagbakbak.
Dahil sa insidente, naipaabot na sa kaalaman ng City Council ang planong pagbakod sa palibot ng sementeryo at matukoy kung sinu-sino ang posibleng pumapasok sa libingan.
Samantala, inaasahang ipagpapatuloy sa Abril 15 ang paglilipat sa buto ng mga nakalibing sa apartment-type cemetery sa San Francisco.
Matatandaan na taong 2016 ng ipag-utos ng lokal na pamahalaan ang hindi na paglilibing ng namayapang mahal sa buhay sa naturang sementeryo.
📸file photo