Ayon kay Jinkee Laggui, isang estudyante mula sa Isabela State University Cauayan campus, nakakapagtaka pa rin umano na halos doble pa rin ang ibinabayad ngayong pamasahe kahit na bumalik na sa full capacity ang ilang mga public utility vehicles katulad ng jeepney.
Aniya, ang pamasahe lamang umano noon na kaniyang ibinabayad tuwing uuwi ito sa Naguilan bago ang pandemya ay nasa P20 lamang.
Naiintindihan naman umano nito ang naging pagtaas ng presyo ng pamasahe noong panahon ng banta ng Covid-19 dahil mayroon pang social distancing.
Sa ngayon ay nagkakahala na ng nasa P40-P50 ang singil sa pamasahe kahit na bumalik na umano sa dati ang pagsasakay ng mga tsuper ng mga pasahero.
Ayon pa kay Jinkee, paminsan minsan ay halos magsiksikan at hindi na makaupo ang iba dahil sa punuan na ang jeep.
Dagdag pa nito, may mga ilan rin umanong drayber ang hindi nag bibigay ng diskwento sa mga pwds, senior citizens, at mga estudyante.
Kaugnay nito, humihiling si Jinkee sa mga tsuper ng pampasaherong jeepney na sana ay bumalik na muli sa dating presyo ang mga pamasahe noong wala pang pandemya.
Samantala, ayon naman sa ilang namamasadang drayber, gustuhin man umano nilang ibalik ang dating pasahe ay sila naman umano ang malulugi dahil sa mataas na presyo ng diesel.