Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na pursigido si Pangulong Rodrigo Duterte na isulong ang pederalismo sa bansa.
Ito ay sa harap narin pagdududa ni Fr. Ranhilio Aquino na miyembro ng binuong consultative committee sa determinasyon ni Pangulong Duterte sa pederalismo dahil sa pagkontra ng kanyang mga economic managers dito.
Nabatid na hinamon ni Fr. Aquino si Pangulong Duterte na sabihin na nito kung gusto ba niya o ayaw ang pederalismo dahil iba naman ang sinasabi ng kanyang ilang alter-ego.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry, kahit panahon pa ng kampanya noong 2016 ay bahagi na ng plataporma ni Pangulong Duterte ang pederalismo at hindi naman ito nagbabago.
Sinabi pa ni Roque na alam ito ni Finance Secretary Carlos Dominguez kaya naniniwala siyang pabor din ito sa pederalismo na prayoridad ng administrasyon.
Paliwanag ni Roque, mayroon lang naman kwestiyon si Dominguez sa draft ng federal constitution at kailangan itong pag-usapan kung paano matutugunan.