Cauayan City, Isabela- Binigyan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng prosthesis o artificial leg at assistive devices ang labing dalawang (12) Person’s with Disability (PWD) sa probinsya.
Ang pamamahagi ng mga prosthesis and assistive devices sa mga Isabelinong PWDs ay bahagi ng selebrasyon ng ika-43 National Disability and Prevention Week ngayong taon na may temang *“Kalusugan at Kaunlaran ng Pilipinong May Kapansanan, Isulong sa Gitna ng Pandemiya.”*
Ayon kay Isabela Governor Rodito Albano III, ibubuhos ng pamahalaang panlalawigan ang tulong para sa lahat ng mga Isabelino na may kapansanan lalo na sa mga walang paa’t binti gaya nga pagbibigay ng livelihood assistance upang maiangat ang estado ng kanilang pamumuhay.
Ito’y sa pamamagitan na rin ng mga programa at serbisyo na inilaan ng pamahalaan para sa mga PWDs.
Bukod sa mga ibinigay na artificial leg sa 12 PWDs, namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Albano ng mga food packs at hygiene kits sa mga ito na isinagawa sa Balai, Capitol Compound sa Lungsod ng Ilagan.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Isabela Vice Governor Faustino “Bojie” Dy III at Provincial Social Welfare and Development Officer Lucila Ambatali.