Cauayan City, Isabela- Nakaalerto ngayon ang buong pwersa ng kasundaluhan na nasasakupan ng 5th Infantry Star Division Philippine Army ngayong ipinagdiriwang ng CPP-NPA-NDF ang kanilang anibersaryo ngayong araw.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Army Major Jekyll Julian Dulawan, DPAO Chief ng 5ID, kabilang na binabantayan nila ang mga rebeldeng nagkukuta sa lugar na sakop ng Sierra Madre mountain para masigurong ligtas ang publiko sa posibleng anumang aksyon na maganap.
Aniya, isa sa matagal na panahon na pinagkukutaan ng mga rebeldeng grupo ay ang bayan ng San Mariano kung kaya’t dahil sa patuloy na kampanya at pakikipagtulungan ng publiko ay unti-unting nawawala ang presensya ng mga ito sa nasabing bayan.
Batay sa kabuuang datos ng kasundaluhan para sa taong 2020, nasa 193 na tagasuporta ng NPA ang nagbalik-loob na sa pamahalaan at 117 sa bilang ay pawang mga regular na miyembro at 76 ay kabilang sa Militia ng Bayan.
Hinihimok ni Maj. Dulawan ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa pamahalaan para sa tuloy-tuloy na kapayapaan ng bansa mula sa mga rebelde.