Wednesday, May 20, 2026

Pwersa ng pulisya sa Central Visayas, nasa “mission-critical” nang estado para sa seguridad ng ASEAN Summit sa Cebu

Nagdeklara ang Philippine National Police (PNP) ng full operational readiness para sa nagaganap na ika-48 Association of Southeast Asian Nations Summit at iba pang related meetings sa Cebu.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nasa “mission-critical” na estado na ang buong puwersa ng pulisya sa Central Visayas upang tiyakin ang seguridad at maayos na daloy ng naturang high-level international event na dadaluhan ng mga lider ng iba’t ibang mga bansa.

Higit 7,300 tauhan mula sa PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Health (DOH), at iba pang katuwang na ahensya ang ipinadala sa Central Visayas para bumuo ng Task Group Central Visayas.

Kung saan tungkulin nilang tiyakin ang seguridad ng mga lugar ng pagpupulong, proteksyon sa convoy at mga ruta, pagbabantay sa baybayin at himpapawid, pamamahala ng trapiko, tulong medikal, at pagresponde sa mga emergencies.

Kaugnay nito, in-activate na rin ang cyber patrol units at pagpapalakas ng intelligence gathering para sa posibleng panganib sa seguridad.

Samantala, ayon kay Nartatez wala namang nakikitang direktang banta ang PNP sa ASEAN Summit ngunit hindi pa rin sila pakakampante sa mga posibleng mangyari.

Facebook Comments