Wednesday, May 6, 2026

Sen. Lacson, tinawag na wala sa hulog at wala sa katwiran si Sen. Marcoleta

Tinawag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson si Senator Rodante Marcoleta na wala na sa hulog at wala na sa katwiran.

Ito ang reaksyon ni Lacson matapos ang nangyari kagabi kung saan tumanggi ang senador na ma-interpellate ni Marcoleta hangga’t hindi naisusumite sa Bills and Index Division at hindi na-i-sponsoran sa plenaryo ang partial committee report tungkol sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Marcoleta na wala pa siya sa public service ay humahanga na siya kay Lacson noon pang PNP chief ito subalit ngayon aniya ay nagbago na ang senador.

Sa pulong balitaan, sinagot ni Lacson na walang nag-iba sa kanya kun’di si Marcoleta ang nagbago, na ngayon aniya ay wala na sa hulog at hindi na rin “in sync” sa katotohanan dahil wala na sa katwiran.

Naniniwala pa ang senador na posibleng pinag-ugatan ng kanilang banggaan ni Marcoleta ay maaaring hindi nito matanggap na pinalitan siya kaagad bilang Chairman ng Blue Ribbon Committee.

Dagdag pa ni Lacson na sana ay maging “bff” ulit sila ni Marcoleta pero sa pagkakataong ito ay totoong “bff” na.

Facebook Comments