
Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) na huhulihin na ang retailer ng bigas na lalampas sa itatakdang price cap.
Kasunod ito ng isinagawang joint price and supply monitoring ni Agriculture Assistant Secretary Genevieve Guevarra sa presyo ng bigas at iba pang agri livestocks products sa city market sa Project 4, Quezon City.
Sa isinagawang inspection ng DA kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine National Police (PNP) naabutan ni Asec. Guevarra at mga opisyales ng DTI at Quezon City Police Distrcit (QCPD) ang isang retailer na nagbebenta ng mas mataas sa singkwenta pesos na planong maximum SRP o price cap sa presyo ng imported na bigas.
Ito ay dahil nasa 55-pesos ang per kilo ng imported rice dito sa nabanggit na palengke na dapat ay 50-pesos lamang.
Sa presyo naman ng ibang produkto gaya ng karne ng baboy, mas mura ng sampung piso ang presyo kada kilo sa city market dahill 410 lamang ang liyempo kumpara sa 420 pesos sa ibang palengke.
Wala namang paggalaw sa presyo ng manok, maging ng mga gulay.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng DA ang ilalabas ng Malacañang na executive order na may kinalaman sa price cap.
Naisumite ng DA noong March 25 ang kanilang rekumendasyon sa opisina ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.










