Quezon City – Hiningi na rin ng Quezon City Local Government Units (LGUs) ang tulong ng mga negosyante at mga government offices para sa maayos na pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang mga public roads sa tao.
Ayon kay QC Task force for Transportation and Traffic Management Chief Atty. Ariel Inton, sa ilang araw na operasyon ng binuong task force ng city government, nakita nito na hindi lang sa illegal vendors kailangan bawiin ang lansangan kung hindi pati na sa mga legitimate business establishments.
Aniya, maraming negosyo sa lungsod na walang sapat na parking space kaya mga sidewalks sa harapan ang ginagawang exclusive parking spaces.
Dagdag pa ng task force chief, may mga negosyo rin na hindi dapat sa harapan ng kalye tulad ng mga motorshop, talyer o vulcanizing shops na ginagawang workplace ang bangketa.
May mga private markets din na may mga extensions sa bangketa na wala namang kaukulang business permit.
Aminado si Atty. Inton na may kasalanan din ang pamahalaan lokal at binigyan ng permit ang mga ito sa kabila ng walang sapat na parking spaces.
Madali umanong alisin ang mga illegal vendors pero malaking hamon ang pagpapaalis sa mga violators tulad ng fastfood chains, banko, motorshops, restaurants at iba pa na may hawak na mga permit.
Malinaw umano ang direktiba ng DILG sa mga LGUs na i-revoke ang kanilang mga permits at sundin ang kautusan ng Pangulo.
Bukod dito, kabilang din sa mga lumalabag ang ilang government offices.