Tinanggal sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang commander ng Quezon City Police District (QCPD) station 3 na si Lieutenant Colonel Cristine Tabdi dahil sa Command Responsibility kaugnay ng pagdu-duty ng ilang tauhan nito sa State of the Nation Address (SONA), habang naghihintay ng resulta ng RT-PCR test.
Pero inamin ni PNP Chief na nasasaktan siya sa mga batikos na ibinabato sa mga pulis na may COVID-19 na idineploy sa SONA.
Para sa kanya, hindi makatwiran at hindi makatao na hamakin pa ang kapulisan sa kabila ng kanilang sinapit dahil halos lahat ng mga pulis na tinamaan ng COVID-19 ay dahil naman sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin.
Paliwanag niya, ang 82 pulis ng QCPD ay may mga pamilyang nag-aalala din at higit sa lahat, sila ay kapwa natin Pilipino, kaya nakikiusap sya na maging sensitibo ang lahat sa mga binibitawang salita.
Sinabi pa ni Eleazar, huwag sanang kalimutan na ipinakalat ang mga pulis sa SONA para siguruhin na mapayapa ang kilos-protesta.
Umaapela rin si Eleazar sa publiko na tigilan ang espekulasyon na Delta variant ang tumama sa mga tauhan ng QCPD.