Cauayan City,Isabela- Bida ngayon sa bakuran ang taniman ng halaman dahil sa kakaibang disenyo nito na naglalarawan ng iba’t ibang emosyon ng mukha.
Ito ang bentang-benta ngayon sa bakuran ng Bahay Bata Formation House sa Barangay Mabini, Santiago City, Isabela.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Kagawad Joseph Cortez, Founder ng Barangay na Responsable at Organisado (BRO), nagtulong-tulong ang mga kabataan sa kanilang lugar para magpamalas ng kani-kanilang talento sa pagpipinta sa harap ng nararanasang pandemya.
Aniya, nagdesisyon umano ang mga bata na lumikha ng kakaibang sining mula sa mga patapon ng bagay na pwede pa namang mapakinabangan.
Sa paraang ito, mas lalo umanong mapapalawak ang kanilang adhikain na makatulong sa inang kalikasan sa pamamagitan ng pagre-recycle at ang pagtalima sa ilalim ng RA 9003 “Ecological Solid Waste Management Act of 2000”.
Balakid man para sa mga bata ang makalabas dahil sa mas istriktong pagpapatupad ng health protocols dahil sa pandemya ay ito na ngayon ang kanilang pinagkakaabalahan at inaasahang mas marami pang obra ang kanilang malilikha.
Ayon pa kay Cortez, mas magiging kaaya-aya sa paningin ng iba ang mga nakikitang kakaibang obra tulad ng mga likha ng bata.
Hinimok rin niya ang publiko na mas pag-ibayuhin ang talento upang makalikha ng kakaibang sining mula sa patapon ng mga bagay.