Nakikita ngayon ng independent research group na OCTA na posibleng ibaba sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang quarantine status sa Metro Manila, Cavite, Rizal, Laguna at Bulacan sa susunod na linggo.
Sa interview ng RMN Manila kay OCTA Research Fellow Dr. Butch Ong, sa ngayon ay nasa 1.53 na ang COVID-19 reproduction number sa Metro Manila at inaasahang bababa ito sa 1.2 matapos ang dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Ong, posibleng hindi na kailanganin ang ECQ extension kung aabot sa 1.2 ang reproduction number ngayong linggo.
Pero payo nito, ilagay muna sa MECQ ang National Capital Region Plus bubble dahil puno pa rin ang mga ospital sa Metro Manila.
Kasabay nito, nagbabala ang OCTA sa pamahalaan na pagtuunan din ng pansin ang mga kalapit probinsya.
Ayon kay Ong, may nakikita na rin silang pagtaas sa Pampanga, Batangas at Laguna.
Sa ngayon ay nasa 803,398 na ang COVID-19 cases sa bansa at batay sa projection ng OCTA ay posibleng umabot ito ng isang milyon sa katapusan ng buwan.