Mamadaliin na ng MRT-3 management ang pagpapalit ng mga riles ng MRT-3 ngayong “Ber” months.
Pinasimulan na ang pagwe-welding ng 4,053 piraso ng riles sa Rail Welding Area sa Taft Avenue Station.
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, hindi muna magpapatupad ng extended operating hours ang MRT-3 management upang magbigay-daan sa full blast rail replacement activities.
Paglalaanan muna ng sapat na panahon ang rail replacement sa loob ng tatlong buwan ngayong taon.
Sabi pa ni Dir. Capati, ang pagpapalit at pagsasaayos ng riles ng MRT-3 ay hindi lamang makatutulong sa pagpapababa ng bilang ng aberya sa buong linya.
Magiging mas mabilis din umano ang takbo ng mga tren dahil mapapaiksi na ang headway o waiting time, at madodoble ang bilang ng mga pasaherong maseserbisyuhan ng MRT-3.
Sinabi ni Capati, ang pagpapalit ng riles ay gagawin tuwing non-revenue hours o mga oras na walang biyahe ang MRT-3, mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw, at target na makumpleto sa Pebrero 2021.