Hindi na ikinagulat ni Senator Panfilo Ping Lacson ang pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipapabaril ang mga magsasagawa ng kagulunan tulad ng nangyaring rally ng mga nagugutom na residente ng Quezon City na base sa report ay inorganisa ng militanteng grupo.
Bilang dating hepe ng Philippine National Police o PNP ay iminungkahi ni Lacson sa mga otoridad na imbestigahang mabuti ang nangyaring riot sa Quezon City na isang paglabag sa Enhanced Community Quarantine.
Sabi ni Lacson, dapat madetermina ng pulisya kung ang nabanggit na demonstrasyon ay kinasangkutan ng mga totoong nagugutom at humihingi ng tulong sa pamahalaan o pakana lamang ng mga grupo na nagsasamantala sa sitwasyon para i-destabilize ang administrasyon.
Naniniwala si Lacson na mayroon talagang mga grupo na maaring magsamantala sa kasalukuyang sitwasyon dulot ng COVID-19 upang isulong ang kanilang political agenda.
Sa kabilang banda, sinabi ni Lacson na ang nangyaring gulo sa Quezon City ay maituturing na ring “Dry Run” para masukat ang sentimyento ngayon ng publiko at ang kakayahang tumugon ng mga alagad ng batas.