Pinaghahandaan na ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsasagawa ng random antigen testing sa mga pasahero ng railway lines.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan na ito ay ipinag-utos mismo ni DOTr Sec. Art Tugade bilang safety measure.
Sa ngayon ani Batan, naghahanda na ang Light Rail Transit o LRT1, LRT2, Metro Rail Transit o MRT3 at Philippine National Railway o PNR hinggil dito at target itong masimulan ngayong linggo kung saan nasa ilalim ng Alert level 3 ang Metro Manila.
Paliwanag pa nito, isasagawa ang random antigen testing sa ilang piling istasyon o sampling lamang at ito ay voluntary o walang sapilitan.
Ipapadala through text ang resulta ng antigen test.
Sa ngayon, 70% aniya ang capacity ng railway system at mahigpit na ipinatutupad ang seven commandments sa mga tren o pagsusuot nang tama ng face mask, pagbabawal sa pag-uusap, pagkain, pagkakaroon ng sapat na bentilasyon, palagiang disinfection, hindi pagsasakay ng mga pasaherong mayroong sintomas, at pagsunod sa physical distancing.