Tumaas pa ang ranking ng Pilipinas sa pinakahuling Speedtest Global Index ng Ookla.
Ayon sa Ookla, kapwa kasi bumuti ang datos ng fixed broadband median download speed at mobile median download speed sa bansa.
Ang fixed broadband median speed ay tumaas sa 78.33Mbps mula sa 75.62Mbps habang ang mobile median speed ay naitala sa 22.35Mbps.
Ayon sa Ookla, ang Pilipinas ay pang-45 na mula 182 na mga bansa pagdating sa fixed broadband at pang-82 mula sa 140 na mga bansa pagdating naman sa mobile.
Sa 50 Asian countries, ang Pilipinas ay pang-14 sa fixed broadband at pang-29 sa mobile.
Habang sa Asia Pacific, ang bansa ay pang-12 sa fixed broadband at pang-17 sa mobile.
Ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay kasunod ng mas pinabilis na proseso sa nag-iisyu ng LGU permits na nagbigay-daan para mapabilis ang pagtatayo ng cellular towers at paglalatag ng fiber optic network ng mga telco.
Inaasahan ding makatutulong ang pagpasok sa bansa ng satellite-based Starlink internet service ni Elon Musk.
Inaasahang sa susunod na anim na taon ay magiging available na ang serbisyo nito.
Alok ng Starlink ang high speed low latency satellite internet service na mayroong download speed na 100Mbps hanggang 200Mbps.