Manila, Philippines – Pinagtibay ng Department of Justice (DOJ) ang nauna nitong resolusyon na nagbasura sa kasong rape na inihain ni model Deniece Cornejo laban sa actor/tv host na si Vhong Navarro.
Sa 20 pahinang resolusyon ng DOJ, hindi nito pinagbigyan ang petition for review na inihain ni Cornejo na humihiling na baligtarin ang naunang resolusyon ng DOJ noong September 6, 2017 na nagbabasura sa reklamong rape at attempted rape na kanyang inihain laban kay Navarro.
Hindi nakumbinsi ang DOJ sa paliwanag ni Cornejo dahil hindi magkakatugma ang detalye na kanyang inilahad sa kanyang tatlong affidavit.
Hindi binigyan ng DOJ ng bigat ang argumento ni Cornejo na siya ay nalito at traumatized nang kanyang pirmahan ang unang complaint affidavit na inihanda ng kanyang abugado.
Ito anila ay hindi makatwiran dahilan.
Tinukoy pa ng DOJ na walang sapat na ebidensya para kasuhan ng rape at attempted rape si Navarro.
Kaugnay naman ng date rape drug na ayon kay Cornejo ay inihalo ni Navarro sa kanyang inumin, tinukoy ng DOJ na wala namang patunay na nakumpiska ang nasabing droga mula kay Navarro.