Pormal nang nanumpa bilang Energy Secretary si Raphael “Popo” Lotilla kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay sa kabila ng pagkwestiyon sa pagkakatalaga ni Lotilla bilang kalihim ng Department of Energy dahil sa kaniyang posisyon bilang independent director ng Aboitiz Power Corp..
Pinagbabawal kasing italaga bilang energy secretary ang isang opisyal ng pribadong kumpanya o negosyo na may kinalaman sa enerhiya sa loob ng dalawang taong mula nang bumitaw o magretire sa pwesto.
Mababatid na kakabitiw lang ni Lotilla sa pwesto nito sa Aboitiz Power noong July 11.
Ngunit ayon sa Department of Justice (DOJ) ay sang-ayon sa batas ang pagkakatalaga sa kalihim dahil sa hindi kinokonsidera na opisyal ang independent director dahil sa nature ng kaniyang mga tungkulin sa kumpanya.
Si Lotilla ay dati nang naupo sa kaparehong pwesto mula 2005 hanggang 2007 sa panahaon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.