READ | Kauna-unahang Fire Olympics, dinaluhan ng mga high school students!

DAGUPAN CITY – Mga high school students nagpakitang gilas ng kani-kanilang mga kakayahan sa pagresponde sa sakuna sa naganap na Junior Fire Olympics.

Kaugnay ng tinututukang Fire Prevention Month, dinaos ang kauna-unahang Junior Fire Olympics na inorganisa ng Bureau of Fire Protection sa tulong ng ilang mga ahensya tulad ng City Disaster Risk Reduction Management, Department of Education, Red Cross, PANDA Volunteer Fire Brigade at lokal na pamahalaan ng Dagupan City.

Sa tulong na rin ng mga ahensya, naging matagumpay ang pagdaraos ng nasabing palaro kasama ang pitong mga public schools na kinabibilangan ng Dagupan City National High School, Federico N. Ceralde Integrated School, Salapingao National High School, Judge Jose De Venecia Technical and Vocational Secondary School, Carael National High School, Bonuan Boquig Integrated School at East Central Integrated School.


Ayon kay Chief Inspector at BFP Marshal na si Georgian Pascua, ang pagbibigay ng kaalaman ukol sa pagresponde at pagrescue sa mga sakuna partikular ang sunog ay isang mahalagang bagay upang mas mahubog ang kanilang kakayahan hindi lamang sa pagtutulungan kundi na rin sa pagkakaroon ng sportsmanship.

“Empowering the children, the youth through sports pero kakaibang sports to dahil instead of normal sports tulad ng basketball iba naman itong sports na to ay pagalingan sa pagresponde sa sunog at pagrescue,” ani nito.

Aniya, ang hangarin ng kasalukuyang administrasyon ay mas maging child friendly ang lungsod sa lahat ng larangan at upang maisakatuparan ang nasabing adbokasiya ay binibigyan ng pagkakataon ang mga bata na sumali sa mga ganitong klase ng mga palaro. Ito umano ang magsisilbing preparasyon ng susunod ng henerasyon upang sa murang edad pa lamang ay maturuan na ang mga ito sa kanilang mga gampanin sa pagbabayanihan at maging sa pagtulong sa pagpapaunlad ng bayan.

Taong 2015 din umano nag-umpisa ang pagtetrain sa mga kiddie fire brigade para sa mga elementary at junior fire brigade naman para sa high school students. Dahil na rin sa K12 program ng gobyerno, ang mga high school students sa kasalukuyan ay may subject kaugnay sa programa.

“Hindi lang dahil sa required sa subject nila but the skills they would bring it with them so along the way sa paglaki nila in terms of leadership, in terms of the skills, in terms of personal safety and even applicable yan sa kanilang mga bahay meron silang magagawa so yun ang ginagawa natin unti unti pinapalakas natin ang child participation from kinder to high school,” ito ayon na rin kay Marjorie Rodriguez, DepEd Dagupan DRRM Coordinator.

“Ang concept na din na ito is actually rekindling the spirit of bayanihan yan parati yung sinasabi ko lahat ng ginagawa natin sa disaster risk reduction management particularly sa DepEd ang inaadvocate natin is mabangon muli natin ang tulungan na inspite of differences we come together for one goal, that is for the safety of our children and the next generation,” dagdag pa nito.

Inaasahan din na lahat ng paaralan sa lungsod ay matulungan at magbigyan pa ng kaalaman ukol sa pagresponde sa anumang sakuna na maaaring makadulot ng kapahamakan sa bayan. Bago pa man mag-umpisa ang nasabing palaro, ipinarada ng BFP nag mga bagong dlawang fire truck at isang rescue truck.

Report by Crystal Aquino & Kareen Perdonio

Facebook Comments