Nagpamudmod ng fliers ang 3rd Mechanized Infantry Battalion, MID, ng Philippine Army kung saan nakasaad dito ang kanilang adbokasiya na matulungan ang mga napasama sa NPA o New People’s Army na gusto ng magbago. Ito ay kaugnay sa isinasagawang programa ng Gobyerno na Comprehensive Local Integration Program (CLIP).
Kasabay sa pakikiisa ng mga ito sa naganap na bloodletting drive ng KBP, sinamantala naman ng 3rd Mechanized Infantry Battalion ang pamumudmod ng nasabing fliers. Ayon kay Corporal Bangi, layunin ng kanilang programa na ipaalam sa publiko na handa at bukas ang hanay ng kapulisan at sundalo na tulungan ang mga gustong magbagong buhay.
Ito ay dahil na rin sa kwento ng trese anyos na babaeng nakaligtas mula sa NPA at nagdesisyong magbagong buhay. Ayon sa kwento ng menor de edad na kalagay mismo sa nasabing flier, dati umano siyang napasama sa grupo ng mga NPA. Sumabak sa mga engwentro, ngunit nang nasugatan at natamaan umano ito sa isang engkwentro ay basta na lamang itong iniwan ng mga kasama na parang aso dahil ayon umano sa mga ito ay pabigat lamang siya.
Samantala, nag iwan ng numero na maaaring tawagan ang 3rd Mechanize Infantry Battalion, MID, Philippine Army, kasabay ng panawagan sa publiko at maipaalam sa kampo ng kapulisan o sundalo kung mayroong mga ganitong kaso upang matulungan ang mga ito sa proseso ng pagbabago maging ang seguridad ng mga ito.
Sa mga gustong makipag-ugnayan maaring mag-text o tumawag sa 3rd Mechanized Infantry Battalion, MID, Philippine Army sa mga numerong *0917-984-1049 / 0921-588-7343*
Ulat ni Kareen Grace Perdonio