READ | Tondaligan Beach, pinaigting ang pagpapatupad ng kaayusan at kaligtasan ng mga turista!

Dagupan City – Lalong pang pinaigting ang pagpapatupad ng kalinisan at kaayusan ng Bonuan Tondaligan beach. Ito ay ayon na rin sa isinasagawang proyekto ng CDRRMO ng pamahalaan ng Dagupan hinggil sa ginagawang pagbabantay sa nasabing lugar.

Ayon kay CDRRMO-Dagupan admin officer Davidson Chua, dinagdagan pa umano ang pagtatalaga ng mga life guards sa Tondaligan beach upang mas masubaybayan ang mga naliligo maging ang mga turista rito. Nagtalaga na rin ang pamahalaan ng mga speed boats at yung tinatawag na kar-kar na siyang gagamitin upang ipaalala at makasigurado sa kaligtasan ng mga turista sa oras na lumagpas ang mga ito sa inilagay na line limit; maging ang paglilimita ng mga inuming nakalalasing na syang nakikitang pangunahing dahilan ng pagkalunod.

Sa ngayon, ang Japanese garden muna umano ang nagsisilbing opisina ng mga Rescue team ng CDRRMO- Dagupan na nakatalaga sa Tondaligan Beach.


Kaugnay nito, isinasagawa na rin ang pagsasaayos at pagpapaganda ng Tondaligan Beach para sa darating na summer season. Dagdag ni Chua, mayroon na umanong nakalatag na plano ang pamahalaan ng Dagupan City na mga aktibidad tulad na lamang ng paglalagay ng jet ski, kayak, banana boat at ang pagsaasagawang muli ng beach Volleyball kung saan ay naumpisahan na noong nakaraang taon.

Plano rin umano ng pamahalaan na mag imbita ng mga eksperto mula pa sa Batangas upang maiprisenta ang gliding activity sa mga Dagupenyo.

Isa na rin umano ang mga nakatalagang aktibidad upang lalo pang makahatak ng mas maraming turista at mapanatili ang pagiging family friendly ng naturang lugar.

Ulat ni Kareen Grace Perdonio

Facebook Comments