Nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang insidente ng banggaan ng isang Chinese Vessel at bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto bank.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, galit ang pangulo sa nangyari lalo na nang hindi tulungan ng mga Chinese ang mga mangingisdang Pinoy.
Aniya, hindi lang ito pambu-bully kundi isang barbarikong aksyon ng China.
Kaugnay nito, nanawagan ang Palasyo sa Gobyerno ng China na imbestigahan ang insidente.
Hindi naman masabi ni Panelo kung kinakailangan pang i-akyat sa United Nations ang mga ginagawang ito ng China.
Hihintayin na lang din muna ng pangulo ang mga magiging resulta ng ginagawang aksyon ng Department of Foreign Affairs.
Dagdag pa ni Panelo, desisyon na ni Pangulong Duterte kung magsusulong ito ng personal na pakikipag-usap kay Chinese President XI Jinping hinggil sa Recto bank incident.
Samantala, buo naman ang suporta ni Vice President Leni Robredo sa panawagan ng Defense Department at Armed Forces of the Philippines na imbestigahan ang insidente at papanagutin ang mga tsinong sangkot dito.