Ibinabala ng Department of Energy (DOE) sa publiko na posible pa ring itaas sa “Red Alert” ang suplay ng kuryente sa Luzon Grid hanggang sa susunod na linggo.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Energy, sinabi ni DOE Director Mario Marasigan na posible pa rin ang “Red Alert” sa kakulangan ng suplay ng kuryente sa Luzon lalo na kung hindi maisasaayos agad ang mga plantang nagkaproblema kamakailan at kung kulangin din sa reserbang suplay ng kuryente.
Umaasa naman ang DOE na walang magaganap na rotational brownouts sa iba pang mga araw ngayong buwan ng Hunyo.
Kumpyansa rin si Marasigan na sa buwang ito ay tuluyan ng maisasaayos ang mga nagkaproblemang planta at maitatawid na rin ang problema sa kakapusan sa suplay ng kuryente.
Magkagayunman, sa buwan ng Hulyo ay maaaring nasa “Yellow Alert” pa rin ang kuryente sa Luzon dahil sa mababang power reserves depende sa demand pero hindi na magkakaroon ng rotational brownouts.
Tiniyak naman ni DOE Usec. Felix William Fuentebella, na patuloy ang DOE sa monitoring sa manipis na power reserves at humahanap din ng ibang paraan dito ang ahensya.
Nitong May 31, June 1 at June 2 ay sunod-sunod ang rotational brownouts sa Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon, dahil apat ang nasirang mga power plants.