Regular psychiatric evaluation sa mga pulis, inirekomenda sa PNP

Hiniling ni Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran na regular na isailalim sa psychiatric evaluation ang mga pulis partikular ang mga may hindi magandang record, may nakasalang o na-dismiss na kaso.

Ang mungkahi ng lady solon ay kasunod pa rin ng pagpatay ng isang police officer sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.

Ayon kay Taduran, mahalagang regular na masuri ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng personnel lalo na ang mga may kasong kinakaharap.


Mahalaga rin na pag-aralan muna ng PNP ang agad na pagpapabalik sa serbisyo ng mga pulis na may mga dismissed na kaso lalo na kung ito ay may kinalaman sa grave misconduct.

Bukod sa regular na examination at evaluation sa mental health ng mga pulis, hinimok din ni Taduran ang PNP na magsagawa pa ng hiwalay pang pag-aaral sa mga personnel na may nakasalang na kaso.

Hindi lang dapat aniya tumitigil sa imbestigasyon ng PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS) kundi may isa pa dapat na tanggapan na magsasagawa ng cross-checking sa mga kaso ng mga pulis para sa tamang pagsusuri at imbestigasyon.

Facebook Comments