Target nang tapusin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa buwan ng Pebrero ang rehabilitasyon ng transcentral roads sa Marawi City.
Kampante si DPWH Secretary Mark Villar na sa kabila ng hamon ng COVID-19 ay kayang tapusin ang mga road projects sa Marawi City at Lanao Del Sur.
Paliwanag ng kalihim, 99% nang tapos ang contract package 2 na sumasaklaw sa rehabilitasyon at improvement ng MSU-GMA Road at Lumindong-Amaipakpak Avenue.
Habang 93% namang tapos na ang contract package 1B na may habang 5.45 kilometers kabilang ang Marcos Boulevard, Idarus Road, Bacong-Poona, Marantao-Marawi Road, Marawi-Cadre-New Capitol Road, at GMA Terminal Access Road.
Samantala, nasa 66% na rin ang completion ng 9.41 kilometers contract package 1A at asahang matatapos na sa ikalawang quarter ng taon.
Saklaw nito ang Bacong-Marantao Section, MSU-Beyaba Damag Section, Basak-Malutlut-Datu Saber Section, Matampay-Emie Section, Sagonsongan-Saguiaran Junction, Saguiaran Road Section, at Lancaf-Heaven Road Gap Section.
Ang naturang road rehabilitation project ay nagkakahalaga ng P970.973 million na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).