Cauayan City, Isabela- Inumpisahan na kahapon, Mayo 1, 2021 ang rehabilitasyon sa dalawang (2) kilometrong daan sa barangay Napaliong sa bayan ng Jones, Isabela bilang bahagi ng Community Support Program (CSP) na isinasagawa ng kasundaluhan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Army Major Jefferson Somera, Executive Officer ng 86th Infantry ‘Highlander’ Battalion, naisakatuparan ang pagsasaayos ng lansangan sa naturang barangay sa bisa ng nilagdaang Memorandum of Partnership Agreement (MOPA) sa pagitan ng 86IB; 513th Engineering Construction Battalion at ng Brgy. Napaliong noong ika-30 ng Abril taong kasalukuyan.
Ayon kay Maj. Somera, tinatayang aabot sa Php100,000.00 ang napagkasunduang halaga ng pondo na inilaan ng naturang barangay para sa nasabing road rehabilitation.
Ang brgy. Napaliong ay kabilang din sa walong (8) mga barangay sa bayan ng Jones na dati nang natulungan ng kasundaluhan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng CSP.
Ibinahagi rin ni Maj. Somera na ‘cleared’ na sa presensya ng mga makakaliwang grupo ang naturang barangay simula pa noong taong 2018 at nakapagdeklara na rin ng persona non-grata laban sa mga miyembro ng CPP-NPA.
Ang hanay aniya ng Highlander Battalion sa pamumuno ng kanilang Commanding Officer na si LTC Ali Alejo ay bukas lamang at nakahandang magbigay ng tulong para sa mga barangay na nais humingi ng suporta at tulong ng kasundaluhan.