
Hindi pa muna mauumpisahan ang rehabilitasyon ng EDSA.
Ito ang kinumpirma ni Transportation Secretary Vince Dizon sa interview ng media matapos na pormal na buksan sa publiko ang pinakabagong EDSA ‘busway concourse’ sa North EDSA busway station.
Ayon kay Dizon, sa ngayon kasi ay pinaplantsa pa ang plano.
Aniya, malaking hamon kasi ang pagsasaayos ng buong EDSA dahil sa inaasahang matinding trapikong idudulot ng rehabilitasyon kung kaya’t tutukuyin pa ang mga alternatibong ruta na maaaring daanan ng mga motorista.
Kailangan ring magkaroon ng malawakang information dissemination sa publiko sa gagawing aktibidad.
Sa susunod na linggo ay inaasahang makakapag-anunsyo na sila ng susunod na plano.
Target ng Department of Transportation (DOTr) na sa unang linggo ng Abril na ito mapasimulan mula sa original plan na March 24.
Ngayon pa lang ay pinaghahanda na ng DOTr ang publiko sa abala lalo pa’t uunahing i-rehabilitate ang northbound lanes ng EDSA.
Sa ngayon ay patuloy aniya ang pakikipagpulong ng DOTr sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matiyak na hindi mapeperwisyo ang publiko.