Reklamo laban sa J&T Express, pinaiimbestigahan ni Pangulong Duterte

Pinaiimbestigahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang mga reklamo laban sa courier service na J&T Express. Aniya, hindi siya magdadalawang-isip na ipasara ang kompanya kapag napatunayang nagkasala sila.

Sa ulat sa bayan ng Pangulo nitong Lunes, inatasan niya ang National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na siyasatin ang mga sumbong dito.

“I am ordering now because the CIDG is listening and the NBI to investigate you at ang BIR to look into your finances. ‘Yung mga padala, nawawala tapos pagdating pinapalitan, wala ng laman,” anang PRRD.


“As a courier, because of many complaints, I will close you down. Sigurado ‘yan, sasarhan kita, whether you like it or not,” pagpapatuloy niya.

Nilinaw naman ni PRRD na hindi niya kinokondena ang delivery service company dahil naka-depende sa resulta ng imbestigasyon ang magiging aksyon at desisyon niya.

Kamakailan ay kumalat ang video ng ilang trabahador na walang pakundangang inihahagis sa loob ng delivery truck ang mga parcel na nakatakdang ideliver sa mga customer.

(BASAHIN: Mga parcel na ipapadala pa lamang, binabato na parang laruan)

Matapos mag-viral ang insidente, dumagsa sa social media ang iba pang sumbong ng mga online seller at buyer kagaya ng mga depektibong produkto na posibleng dahil sa gawain ng empleyado ng inirereklamong courier service.

Nauna nang humingi ng paumanhin ang J&T Express hinggil sa kontrobersiyal na pangyayari at sinabing pananagutin ang mga nasa likod nito.

Facebook Comments