Nauwi sa demandahan ang pagkadismaya ng isang ginang sa Michigan, U.S matapos pumalpak ang in-order na unicorn cake.
Nagsimula ang sigalot nang ireklamo ni Alexandra Schroeder ang Whipped Bakery sa Lansing kung saan ginanap ang 5th birthday party ng kanyang anak.
Ayon kay Schroeder, gumastos siya ng $370 o mahigit P18,000 para sa lugar ng bakery at kasama na ang unicorn cake.
Kuwento ng kostumer, hindi naging maganda ang kinalabasan ng party na mayroon lamang nakalatag na isang table at anim na upuan–dahilan para mapilitang tumayo ang nasa higit 10 pang bisita.
Habang ang unicorn cake naman ay malayo sa itsura ng ipinangako sa kanila na ihahain.
Sa panayam ng WILX-TV, sinabi ni Schroeder na hindi kulay ginto, “nakakahiya” ang hugis, at may mga bakas pa ng fingerprint ang sungay ng unicorn sa cake.
Hindi rin daw niya ito natingnan bago pa dumating ang mga bisita dahil sinabi ng bakery na hindi pa ito tapos.
Kasunod ng naturang panayam, bumuwelta ang Whipped Bakery sa akusasyon ng kostumer gamit ang mga litratong kuha umano pagkatapos ng party.
Sa post ng bakery, iginiit nilang iniwan nila Schroeder ang lugar na makalat at may utang pa umano ang mga ito.
“They are now slandering me saying that I have a balance owed and I’ve paid this bakery $370,” ani Schroeder.
Naka-block na rin si Schroeder sa Facebook page ng Whipped Bakery.
Nilinaw naman ng kostumer na wala siyang balak humingi ng refund at gusto niya lang ibahagi ang naging karanasan sa iba.
Gayunpaman, binura ng Whipped Bakery ang kanilang Facebook page at sinabi sa media na idadaan na lang sa kaso sa korte ang usapin.