Iminumungkahi ng Pangasinan Migration and Development Council ang pagkakaroon ng P5 milyong standby fund bilang suporta sa mga Pangasinenseng migrant workers, kasunod ng naging pagpupulong ng tanggapan ngayong kwarter.
Paliwanag ni Vice Governor Mark Lambino, ang naturang pondo ay hindi direktang ibibigay sa mga OFW ngunit magsisilbing pondo para sa nararapat na programang tutugon sa kanilang pangangailangan, tulad ng mga insidente ng biglaang pagpanaw, at mga dagdag pangkabuhayan para sa mga manggagawa.
Positibo rin umano ang pagtanggap ng gobernador sa naturang mungkahi at pinag-aaralan na ang mga pamantayan at alituntunin para sa pondo para sa posibleng implementasyon.
Ang naturang hakbang ay bahagi ng tugon ng Pamahalaang Panlalawigan kasunod ng pagpanaw ng Caregiver na si Mary Ann De Vera dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Samantala, patuloy ang proseso ng pagpapaabot ng tulong sa naiwang pamilya ni De Vera tulad ng scholarship ng mga kaanak sa Pangasinan Polytechnic College, bukod pa sa tulong pinansyal na naipaabot mula sa iba pang sangay ng gobyerno. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










