Magkakaroon ng espesyal na meeting ang Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ngayong Lunes ng umaga para bumuo ng rekomendasyon na ipapasa kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ngayong araw nila isusumite kay Pangulong Duterte ang rekomendasyon kung anong mga lugar sa Metro Manila ang mananatili sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at kung anong mga lugar naman ang mapapasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) pagsapit ng May 16.
Una nang kinumpirma noong Sabado ni Roque na hindi lahat ng lugar sa Metro Manila ay sasailalim sa GCQ at hindi rin aniya totoo na ang buong Metro Manila ay mananatili sa ECQ.
Pero kung ano man aniya ang magiging desisyon ng gobyerno ito ay gradual at surgical.
Paliwanag pa nito, lahat ng kanilang desisyon ay nakabase sa siyensya at ang kapasidad natin sa critical health care.
Kasunod nito, muling umapela si Roque na huwag maniwala sa fake news, payo nito hintayin na lamang ang official pronouncement ng IATF.