Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture ay kinuwestyon muli ang rekomendasyon ng Department of Agriculture na itaas sa 400,000 metric tons ang minimum access volume o aangkating karne ng baboy ngayong taon bilang tugon sa problemang dulot ng African Swine Fever o ASF.
Punto ni Senator Cynthia Villar, na syang Chairperson ng komite, ano ang basehan dito ng DA lalo’t sa press release aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay 84,000 metriko tonelada lang ang kakulangan sa suplay ng karneng baboy sa bansa.
Sabi ng DA, aabot sa mahigit 1.6 million metric tons ang demand ng baboy ngayong taon pero mahigit 1.23 million metriko tonelada lang ang magiging suplay kaya 400,000 metric tons ang kailangang angkatin.
Base sa report ng DA sa Senado, umabot na ang pinsala ng ASF sa 463 munisipalidad, 40 lalawigan, 12 rehiyon at 2,402 na barangay habang mahigit 68,000 na magbababoy na ang naapektuhan.