Relief Goods na Dadalhin sana sa Apayao, Naharang sa Checkpoint!

Cauayan City, Isabela- Naantala sa pagbiyahe ang mga relief goods na dadalhin sa probinsya ng Apayao nang harangin sa quarantine checkpoint sa Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), hinarang ang mga relief goods na lulan ng mga truck dahil sa mga canned goods na produkto ng karne ng baboy.

Unang inakala na ang mga relief goods ay para sa commercial o ibebenta ang mga pork-based products kung kaya’t masusing isinagawa ang inspeksyon.


Matapos ipaalam ng mga quarantine checkpoint sa Nueva Vizcaya sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ay nalinawan rin na ang mga nasabing relief goods ay dadalhin sa lalawigan ng Apayao.

Nabatid na ang relief goods ay mula sa kalakhang Maynila na ipinadala ng national government.

Ang pagharang ay bahagi ng mahigpit na pagbabantay laban sa African Swine Fever o ASF.

Kaugnay nito, nakarating na sa pamahalaang panlalawigan ng Apayao ang mga relief goods na ipamamahagi para sa mga apektado ng malawakang pagbaha at landslide.

Facebook Comments