Hindi pa natatanggap ng DILG Camarines Sur Provincial Office ang kopya ng desisyon ng Ombudsman kaugnay ng pagkakatanggal sa pwesto ni Pamplona Vice Mayor Gimeno Imperial. Ito ang ipinahayag kahapon ni DILG Camarines Sur Provincial Director Melody Relocio sa panayam ng DWNX – RMN Naga.
Magugunitang nitong nakaraang buwan, nakarating sa kaalaman ng publiko na tinanggal ng Ombudsman si Vice Mayor Imperial sa kasalukuyang posisyon bilang bise alkalde ng bayan. Maliban sa removal from office, may dagdag pa ang nasabing desisyon ng Ombudsman na parusang perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno.
Nag-ugat ang kaso dahil sa pagpapa-arkila ni Gemino, noong panahong siya pa ang mayor, ng heavy equipment ng LGU sa isang negosyante sa mababang halaga taliwas sa ipinasang ordinansa kung saan nakasaad na dapat ay isanglibo at dalawang daang piso (1,200 pesos) ang renta bawat oras. Pinayagan umano ni Imperial na rentahan ng negosyante ang heavy equipment ng LGU Pamplona sa halagang limandaang piso (500 pesos) lamang kada araw.
Ang kaso ay isinampa ng dating konsehal, at kasalukuyang alkalde ng bayan, na si Mayor Ace Cruz.
Napatunayan ng Ombudsman na nagkasala ang dating alkalde, at kasalukuyang bise alkalde ng bayan. Pagkakatanggal sa posisyon at tuluyang pagbabawal na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan ang kaparusahang inihatol laban sa kanya.
Ilang beses namang sinikap ng DWNX na kunan ng pahayag ang panig ni Imperial tungkol sa isyu subalit hindi ito naging positibo.
Kasama mo sa balita at serbisyo publiko, RadyoMaN Manny Basa, Tatak RMN!