Friday, March 6, 2026

South Korean President Lee Jae Myung, dumating sa bansa para sa isang state visit

Panauhing pandangal sa Malacañang si South Korean President Lee Jae Myung at First Lady Kim Hye Kyung para sa dalawang araw na state visit sa Pilipinas.

Sinalubong sila nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Marcos at ginawaran ng arrival honors.

Ito ang unang pagbisita ni President Lee sa bansa, kasunod ng pagpapatupad ng Free Trade Agreement ng Pilipinas at South Korea noong Disyembre 31, 2024.

Pagkatapos ng seremonya, ipinakilala ng dalawang lider ang kani-kanilang gabinete at nagtungo sa Palasyo.

Lumagda si President Lee sa guest book bago ang maikling pag-uusap.

Susundan ito ng bilateral meeting kung saan tatalakayin ang pagpapalawak ng ugnayan sa depensa, maritime cooperation, ekonomiya, development, people-to-people ties, at ang mga isyung panrehiyon at pandaigdig.

Ang pagbisita ay kasabay ng ika-77 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at South Korea.

Inaasahang maglalabas ng joint statement ang dalawang lider matapos ang pulong.

May inihanda ring state banquet si Pangulong Marcos para sa South Korean leader at kanyang delegasyon ngayong gabi.

Facebook Comments