
Binuweltahan ng Malacañang si Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice kaugnay sa mga pahayag ni Erice laban sa pangulo sa isyu ng isinusulong na Anti-Political Dynasty law.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, tungkulin ng Kongreso ang gumawa at pagdebatehan ang panukala.
Tila lahat aniya ng nangyayari sa mundo ay isinisisi ni Erice kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos nitong bawiin ang pagiging co-author ng substitute bill para pagbawalan ang political dynasty sa bansa.
Sinabi pa ni Castro na ang mga mambabatas dapat ang mag-usap kung ayaw nila ng bersiyon ng panukala kasabay ng hamon kay Erice na ilabas ang kaniyang talino.
Ilang mambabatas ang nagpahayag ng intensiyon na bawiin ang suporta sa tila mas malamyang bersiyon ng Anti-political Dynasty Bill na naglilimita sa bilang ng magkakapamilyang pwedeng tumakbo sa posisyon sa gobyerno.
Sa kabila nito, sinabi ni Castro na nananatiling suportado ng Pangulo ang Anti-Political Dynasty law at umaasa raw itong mamadaliin ng Kongreso ang deliberasyon sa panukala.










