Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinary Officer, nasa 30 hog raisers na ang nabigyan ng biik sa Lungsod mula sa target na 100 bilang bahagi ng repopulation program ng Department of Agriculture (DA).
Kaugnay nito ay patuloy ang kanilang ginagawang consultation at sentineling sa mga naapektuhang hog raisers sa Lungsod na kung saan bago mabigyan ng biik ang mga benepisyaryo ay kailangang na-inspek muna ang mga gagamiting kulungan upang matiyak na ASF free na sa kanilang lugar.
Kung walang nadapuan ng ASF sa mga naunang ibinigay na biik ay dadagdagan pa ito ng DA dipende sa biik na dapat matanggap ng apektadong magbababoy.
Ayon pa kay Dr. Dalauidao, tinatayang aabot sa 30,000 na baboy ang tinamaan ng ASF sa Lungsod kung saan kabilang ang Cauayan City sa matinding naapektuhan ng sakit ng baboy.
Dahil naman sa pagtama ng ASF sa Lambak ng Cagayan ay babaguhin na yung pamamaraan ng pagbababoy bilang bahagi sa ginagawang repopulation program ng pamahalaan.
Umaasa si Dalauidao na wala ng baboy ang matatamaan ng ASF nang sa gano’y makabangon ang industriya ng pagbababoy sa Lungsod ng Cauayan.
Paalala nito sa mga may-alagang baboy na kung makitaan ng mga senyales ng ASF ang alagang baboy ay agad na ipabatid sa tanggapan ng City Vet upang masuri at matugunan ito.