Nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang report na “Chinese vessel” ang bumangga sa lumubog na Filipino fishing boat sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS) nitong Hunyo 9, ay galing sa statement ng mga survivors sa lumubog na fishing boat.
Ayon sa kalihim na isang in-depth investigation ang gagawin sa insidente para malaman kung sino talaga ang nakabangga sa Filipino fishing boat, dahil madilim sa lugar nang mangyari ang insidente.
Ayon sa kalihim, common fishing ground ang lugar at bukod sa China, nangingisda din doon ang Vietnam, Taiwan at maging ang Japan.
Sinabi pa ni Lorenzana, maliban sa pagkuha ng pormal na salaysay sa mga Pilipinong mangingisda, aalamin din sa isasagawang inquiry ang report sa insidente ng Chinese government at pahayag ng Vietnamese fishermen na sumaklolo sa mga Pinoy.
Alam na aniya ng China ang insidente at iniimbestigahan din nila ito.
Giit ni Lorenzana na kung sino man ang talagang nagpalubog sa Filipino fishing boat, hindi dapat nila iniwan sa karagatan ang 22 mangingisda.