Tinawag na mahalagang regalo para sa mga health worker sa katatapos na Araw ng Paggawa ang ginawang paglagda ng pangulo sa Republic Act 11712 o “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Healthcare Workers Act”.
Kasabay nito ang pagpapaabot ng pasasalamat ni House Committee on Health Chairman Angelina “Helen” Tan kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagtataguyod nito sa kapakanan ng mga manggagawa sa sektor ng kalusugan.
Sinabi ng kongresista na lubos niyang ikinatuwa na matapos ang mahabang usapin at sa harap na rin ng maraming hinaing ng mga health worker sa pandemya ay mabibigyan na sila ng patuloy na mga benepisyo sa panahon ng COVID-19 pandemic at iba pang mga pandemyang magaganap sa hinaharap.
Sa ilalim ng batas ay makatatanggap ng health emergency allowance sa bawat buwan ng kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya ang lahat ng healthcare at non-healthcare workers depende sa risk exposure categorization.
Para sa mga nagtatrabaho sa low-risk areas ay P3,000, P6,000 naman sa medium risk areas at P9,000 kung nakatalaga sa high-risk areas.
Mabibigyan naman ng kabayaran ang mga ito kung nahawa at nasawi sa COVID-19 dahil sa pagganap sa trabaho.
Ang nasabing mga benepisyo ay magkakaroon ng retroactive application mula Hulyo 1, 2021 at mananatili habang may state of national public health emergency na idineklara ng pangulo.