Pinaluluwagan ni TUCP Partylist Rep. Raymond Mendoza ang requirements sa application ng mga kumpanya sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa ayuda ng mga minimum wage earners.
Apela ni Mendoza sa DOLE, gawin naman sanang realistic ng ahensya ang requirements na hinihingi sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Management Program (CAMP) kung saan makakatanggap ang mga minimum wage earners na ₱5,000 na financial assistance sa pamahalaan.
Paliwanag ng kongresista, nasa lockdown ngayon ang buong Luzon at dahil sa mga protocols ay nahihirapan ang ilang mga kumpanya na ayusin at kumpletuhin ang hinihinging requirements ng DOLE.
Bukod dito, marami sa mga maliliit na negosyo at kumpanya ang hindi makakuha ng CAMP para sa kanilang mga empleyado dahil sa higpit ng requirements.
Inireklamo rin na may ilang kumpanya ang nakapagsumite ng mga requirements pero binawasan naman ng ahensya ang kanilang listahan sa katwirang masyadong maraming empleyado.
Giit ng mambabatas, lahat ng mga minimum wage earners ngayon ay nasa ilalim ng ‘no work, no pay arrangements’ dahil sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) kaya dapat na simplehan at gawing madali lang ng DOLE ang requirements para sa ayuda ng gobyerno.