Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan ngayong araw ng Linggo, Nobyembre 7, 2021 ang ginagawang pagbabakuna kontra COVID-19 ng mga kawani ng Isabela Provincial Health Office (IPHO) at Cauayan City Health Office (CHO) partikular sa Primark Town Center sa nasabing Lungsod.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dra. Mary Kristin Purugganan, Assistant City Health Officer ng *Cauayan City Health Office* 2, nagsimula ang pagbabakuna ng 1st dose ng Gamaleya Sputnik V kaninang alas 8:00 ng umaga at inaasahang matatapos mamayang alas 4:00 ng hapon.
Kanyang sinabi na ang Resbakuna on Wheels ay bukas para sa lahat na nasa 18 taong gulang pataas na walang sintomas ng COVID-19 gaya ng ubo, sipon, at lagnat at hindi rin pwede para sa mga buntis at nagpapasusong ina.
Sapat din aniya ang dalang bakuna ng mga vaccinators mula sa IPHO at CHO sa kabila ng pagdagsa ng mga gustong magpabakuna.
Ayon pa kay Dra. Purugganan, tuloy-tuloy aniya ang kanilang ginagawang pagbabakuna katuwang ang IPHO sa limang vaccination site sa Lungsod na dinadagsa naman ng publiko.
Iaanunsyo naman ng CHO ang susunod na iskedyul para sa 2nd dose ng Sputnik V sa Lungsod ng Cauayan.
Samantala, ikinatuwa ni assistant City Health Officer Purugganan ang dami ng mga gustong magpabakuna kontra COVID-19 dahil senyales aniya ito na epektibo ang ginagawang paghihikayat ng pamahalaan sa publiko na magpabakuna.
Sa pinakahuling datos aniya ng Cauayan CHO, mayroon ng 48 porsiyento ang nabakunahan ng first dose sa Lungsod at inaasahan aniya na patuloy itong tataas.
Muling inihayag ni Dra. Purugganan ang target ng pamahalaan na kinakailangang mabakunahan ang nasa 70 porsyento ng populasyon ng Pilipinas para makamit ang herd immunity ng bansa.