
Aaksyunan ng Senado sakaling pormal na ihain ang resolusyon na nagpapabasura sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni Senate President Chiz Escudero sa gitna ng umiikot na draft resolution na nagpapabasura sa impeachment case laban kay Duterte na kalaunan ay inamin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na sa kanyang opisina nanggaling.
Ayon kay Escudero, kung may maghain ng resolusyon at may magmosyon ay aaksyunan, pagdedebatehan at pagbobotohan ito sa plenaryo.
Dadaan aniya ito sa proseso tulad ng ibang mga resolusyong inihahain sa mataas na kapulungan pero hindi sa impeachment court.
Sinabi naman ni Dela Rosa na posibleng sa ngayong araw ay maihain niya ang resolusyon matapos na pagsamahin ang mga input ng iba pang draft resolutions tungkol sa de facto dismissal ng impeachment case laban kay VP Sara.
Dagdag pa ni Dela Rosa, siya mismo ang magiging main author ng resolution.









