Paggamit ng “smart farming” sa pagsasaka, isinusulong ni PBBM

Isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paggamit ng smart farming o makabagong teknolohiya sa pagsasaka para matiyak ang food security sa bansa.

Matatandaang isa ang modernisasyon ng agrikultura sa pangunahing layunin ng administrasyon ni Pangulong Marcos.

Ayon sa pangulo, ang mga agricultural innovation ay dapat lang na aralin at suportahan ng pamahalaan dahil hindi lamang ito tungkol sa pagpapataas ng ani kundi pati na rin sa pagpapabuti ng nutrisyon at kalusugan ng publiko.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag kasunod ng pagbisita nito sa 3.5-ektaryang greenhouse facility ng Metro Pacific Fresh Farms sa San Rafael, Bulacan, kamakailan.

Ipinakita sa pasilidad ang mga advanced na sistema ng pagsasaka na nagbibigay-daan sa buong taong produksyon ng gulay at prutas na limang beses na mas mataas kaysa sa tradisyonal na sakahan.

Facebook Comments